Little Mr.Greyhound
Posted by bertcontrol | Labels: piksyon | Posted On Tuesday, November 24, 2009 at 2:35 AM
Isang gabi ng Martes, isang sandali kung saan abalang-abala ang lansangan sa mga dagsang sasakyan at mga taong papauwi mula sa kanilang pinanggalingan, halo-halong ingay ng iba’t-ibang nilalang, maruming usok mula sa mga pampasaherong jeep na humalo sa hangin at sumakop sa kapaligiran, at iba’t-ibang kulay at kutitap ng mga ilaw mula sa mga establisyimento na sumasayaw at nagpapabuhay sa mumunting palaruan ni Puloy. Heto siya’t katatapos lang mag-dinner ng tira-tirang paelya con pabo sa isang magarbong grill&resto sa kahabaan ng Magsaysay blvrd. Naghahanap na siya ng masisiestahan para sa pansamantala niyang pagiwan sa mausok niyang mundo. Napansin niyang madalang na ang pagdaan ng mga sasakyan kaya’t tyumempo siya sa pagtawid sa kabilang kalsada. Umarangkada na siya sa pagtawid nang marinig niya ang isa sa mga kinahumalingan niyang musika. Iisang ritmo ang tunog, walang melodiya at katono ng isang malakas na busina ng isang humahagibis na truck. Napalingon si Puloy sa kanyang kanan. Isang nakakasilaw na liwanag ang papalapit na tila nagsasabing tuluyan na niyang iiwan ang nakagisnan niyang mundo. Sa pakiramdam niya’y tinabunan siya ng nakakasilaw na liwanag. Dagling dumilim ang kanyang paningin at nablangko ang kanyang ulirat.
Heto na si Puloy, lapat at plastado sa kalsada, nakahandusay habang kasiping ang sariling dugo at mga laman-loob na nagkalat na parang taho. Luwa ang bituka’t sumirit ang paelya con pabo.
Heto na si Puloy, maya-maya lang aasikasuhin na ng MMDA ang kanyang bangkay.
Kawawang si Puloy, walang tagapagalaga, pinabayaan ng kanyang walang pusong amo, kasuklam-suklam para sa mga tulad niyang palaboy na aso...
Di ko mawari ang mga salitang ipamumutawi sa aking mga labi. Di ko matanto kung sapat na nga ba ang mga salitang 'BRAVO' o 'MAGNIFICO' matumbasan lamang ang iyong husay sa paglikha aking kaibigan. Ang laro ng iyong imahinasyon ay tunay na kahangahanga at maski ako ay tunay na nasiyahan. mahusay, magaling, kaibigan!!!